Ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) ay isang ahensya ng Bangsamoro Government at hindi isang partisan organization.
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Social Pension (SocPen) Program for Senior Citizens, livelihood assistance, at iba pang mga mga programa at serbisyong iniimplementa ng MSSD ay hindi maaaring gamitin sa pamumulitika. Ang mga benepisyaryo ay hindi dapat takutin na aalisin sa programa para sa pampulitikang pananaw at pagboto sa partikular na kandidato.
Walang kontrol ang sinumang politiko o kandidato sa pagpili at pagtanggal ng benepisyaryo sa anumang programa ng MSSD. Sumasailalim sa mabusisi, tama, at patas na proseso ang pagpili ng MSSD sa mga benepisyaryo nito. Mayroon ding sariling sistema ang MSSD sa pagtanggal ng mga benepisyaryong hindi kwalipikado at tanging mga naatasang empleyado lamang ng ahensya ang may access dito.
Ang mga programa ng MSSD ay naglalayong magbigay tulong sa mga pinakabulnerable at pinakamahihirap na sektor upang mapabuti at mapaunlad ang kanilang estado sa buhay. Ang mga ito ay social protection programs ng gobyerno at hindi maaaring gamitin bilang political propaganda.
Ang anumang pagbabantang tanggalin ang mga benepisyaryo mula sa programang kinabibilangan nila bilang pamumulitika ay labag sa batas at may karampatang parusa.
Ang mga benepisyaryo ng MSSD ay malayang pumili kung sino ang kanilang iboboto at hindi dapat matakot na gamitin ang kanilang karapatang bumoto. Patuloy na mag-aabot ng tulong at tutugon ang MSSD sa lahat mga bulnerable at kwalipikadong benepisyaryo nito anuman ang kanilang kaugnayan sa pulitika.